MASUSING ikinokonsidera umano ngayon ng Department of Budget and Management (DBM) na tanggalin ang sistema nang pagbibigay ng Performance Based Bonus (PBB) sa mga kawani ng pamahalaan.
Sa isinagawang pagtalakay sa plenaryo ng Kamara para sa panukalang 2018 national budget, nasilip ni party list ACT Teacher Rep. Antonio Tinio ang pagbaba sa P11 billion ng pondong gustong ilaan ng DBM para sa PBB.
Ani Tinio, bagama’t matagal na nilang tinutulan ang pagbibigay ng nasabing cash incentive sa government employees, nakapagtataka na mula sa P18 billion na pondo ng PBB ngayong taon, ay binawasan ito sa P11 billion para sa 2018.
Bilang tugon, sinabi ni House Appropriations Committee Chairman at Davao City Rep. Karlo Alexei Nograles na ang pagbaba sa pondo ng PBB sa susunod na taon ay may kinalaman sa balak ng DBM na alisin na ito.
Paliwanag ni Nograles, sa ngayon ay tinitignan ng ahensiya kung epektibo ba ang PBB para maging masipag sa pagganap ng kanilang tungkulin ang mga kawani ng pamahalaan.
Bukod sa posibilidad na tuluyang burahin ang PBB, idinagdag ng Davao City lawmaker na pinag-aaralan din ng DBM na magkaroon na lamang ng bagong sistema para sa layuning itaas ang performance ng government personnel.
Mayroon din umanong panukala na sa halip na PBB ay makatanggap na lamang ng karagdagang insentibo ang mga public servant.
SOURCE
SOURCE