Araw-araw ay bitbit ni Joel Quitoriano ang dalawang kahon na styro na puno ng ice candy na ibinebenta niya P10 kada piraso.Kuha ni Ria Galiste, ABS-CBN News |
Tubong Cauayan, Isabela si Joel Quitoriano, 25, isang estudyante sa ikalawang taon ng kursong Public Administration sa University of Northern Philippines sa Vigan, na tinagurian ng ilan niyang mga kamag-aral bilang si "Ice Candy Man."
Kahit nagsasaka ang kaniyang mga magulang sa Isabela, hindi pa rin umano ito sapat sa kanila. Kaya naman nang mabigyan ng pagkakataon, sumama si Joel sa isang pastor at nagtungo sa Ilocos Sur.
Ngayon, siya ay nakatira sa isang orphanage sa bayan ng Cabugao.
Kuwento ni Joel, isa sa mga pangarap niya ang makapagtapos ng pag-aaral nang maiahon niya sa hirap ang kaniyang pamilya.
Kaya naman naisipan niyang magtinda ng ice candy upang matustusan ang pag-aaral, at giit niya, hindi niya ito kailanman ikakahiya dahil marangal ito.
“Ang schedule ko kasi, from 8:30 hanggang 12:00, buong class ko iyon. Tapos 12 onwards pagtitinda na lang ginagawa ko, tapos uuwi na ako, magluluto ulit ng ice candy. Ganun po lagi ginagawa ko," aniya.
“Pagdating ko doon nagluluto na kami kasama ko po yung kapatid ko at isang client sa orphanage na hindi na nag aaral," dagdag ni Joel.
Nabigyan ng permiso si Joel na magtinda sa loob ng campus.
Araw-araw ay bitbit ni Joel ang dalawang kahon na styro na puno ng ice candy na binebenta niya P10 kada piraso. Hindi niya iniinda ang hirap at pagod para makapag-ipon.
Patok na patok naman ang tinda niya sa mga estudyante at mga personnel.
Ang kaniyang mga kamag-aral, hangang hanga sa kanya at nagsisilbi ring inspirasyon sa kanila at iba pang mga estudyante.
“Gustong gusto niya talagang mag-aral. Pinupursigi niya para lang mai-ahon yung family nila at yung status nila sa buhay,”sabi ni Angel Apuya.
“Hindi naging hadlang sa kaniya yung kawalan ng pera sa kanyang pag aaral. Minsan may nagtanong sa amin, kung ikinakahiya nyo ba siya na ganito siya bilang classmate niyo? Sabi ko ko hindi, kasi kayang kaya niyang itaguyod yung pag aaral nilang magkakapatid,” sabi naman ni Lani Elizalde.
Pati ang kaniyang instructor na si Joselito dela Rosa ay bilib kay Joel dahil aniya, maganda rin ang mga marka ni Joel at magaling ito sa time management.
“Inspirado ni Joel kasi magaganda grades niya, very satisfactory," ani dela Rosa.
Para naman kay Joel, walang katumbas na saya kapag nauubos niya ang kaniyang mga paninda. Sulit din ang kaniyang pagod dahil ang katumbas nito ang pagkakataong makamtan niya ang kaniyang mga hangaring makapagtapos at kasabay nito ay matustusan rin ang pag-aaral ng mga kapatid.
SOURCE: ABS-CBN NEWS