Members of the House minority, led by Minority Leader Danilo Suarez - Photo by Rappler |
Dahil tapos na rin naman ang kanilang termino bilang mga halal na barangay captain at barangay kagawad, sisingitan ng mga miyembro ng oposisyon sa Kamara ng probisyon ang panukalang ipagpaliban ang eleksyon ngayong Oktubre sa susunod na taon at bibigyan ng kapangyarihan si Pangulong Rodrigo Duterte na mag-appoint na lamang ng mga barangay officials bilang Officer in Charge (OIC).
Sa kanilang press conference kahapon, sinabi ng Minority bloc sa Kamara na gagawin nila ito upang mawala sa kapangyarihan ang mga barangay captains at mga barangay kagawad na sangkot sa ilegal na droga.
“We need to weed out ‘yung mga kapitan na involved sa illegal activities specially drug-related,” ani House minority leader Danilo Suarez kaya maglalagay umano ang mga ito ng probisyon sa panukala para bigyan ng kapangyarihan si Duterte na magtalaga ng OIC sa mga barangay habang inaantay ang eleksyon.
Base sa panukala ng dalawang Kapulungan ng Kongreso, isasagawa ang eleksyon sa Barangay at SK sa ikaapat na Lunes ng buwan ng Oktubre sa 2017 imbes sa Oktubre ng taong ito.
Sa ngayon ay mahigit kumulang sa 44,000 barangay mayroon ang bansa na ayon kay Suarez ay 94% dito ay apektado ng iligal na droga kaya may duda ito na maraming barangay captain ang sangkot dito.
“Ninety-four percent of barangays are infested. If you are not doing anything about the drug problem in your barangay, then you are incompetent or in payola. The mere fact that you are an elected official and you are not doing anything is already a ground for being branded as protector of drug lords,” ayon pa kay Suarez.
Agad namang dumepensa si Buhay party-list Rep. Lito Atienza na marami pa ring barangay captains ang matitino subalit pabor ito na baklasin na sa kanilang posisyon ang mga sangkot sa iba’t ibang krimen.
Para naman kay Kabayan party-list Rep. Harry Roque, wala nang karapatan ang mga barangay captain na magreklamo kung sakaling dahil tapos na ang kanilang termino.
“Without a doubt, tapos na ‘yung term ng mga barangay officials,” kaya labas umano ang usapin ng Konstitusyon kapag binigyan si Duterte ng kapangyarihan na mag-appoint ng mga OIC sa lahat ng barangay habang inaantay ang eleksyon sa susunod na taon.
SOURCE: ABANTE TONITE