Quantcast
Channel: DEPED TAMBAYAN PH
Viewing all articles
Browse latest Browse all 1683

Pagtaas ng Sahod, Ipinanawagan sa Unang Privilege Speech ni Rep. France Castro

$
0
0


Ika-9 ng Agosto 2016
Pagbati kay Bb. Mercedes Alvarez, sa mga kasamahan kong mambabatas, at sa lahat ng mga tagapakinig. Gayundin sa mga inanyayahan nating makadalo sa araw na ito ang mga natatangi na lider-guro mula sa Alliance of Concerned Teachers-National Capital Region (ACT-NCR) Union at Quezon City Public School Teachers Association (QCPSTA).
Ngayong araw ay tumatayo ako sa harap ninyo upang katawanin ang ating mga magigiting na guro at kawani. Unang-una sa lahat, hindi ko inaasahan na makakabilang ako sa kapulungang ito dahil sa katunayan, nagmula ako sa mahirap na pamilya. Isang gurong nangarap na magkaroon ng pagbabago sa sistema ng ating edukasyon. Naging mapait ang sinapit ng aking mga magulang sa giyera noong panahon ng Hapon kaya hindi na nila magawang makapagtapos pa ng pag-aaral kahit hanggang elementarya lang. Napilitan silang maghanap ng trabaho sa murang edad, ang tatay ko ay naging isang tsuper at ang namayapa kong ina ay naging kasambahay ngunit kulang man sa pinag-aralan, napakalaki ng kanilang pagpapahalaga sa edukasyon kaya nagawa nila akong mapatapos ng pag-aaral hanggang kolehiyo. Bata pa, pinangarap ko na ang maging guro sa isang pampublikong paaralan. Sa isang pampublikong eskwelahan ko gustong ialay ang aking serbisyo dahil nakita ko ang pangangailangan ng mga guro dito, isang dahilan din ay dahil mula elementarya hanggang kolehiyo ay nag-aral ako sa mga pampublikong eskwelahan at hindi naging sagabal ito upang makapagtapos ako at makapagbigay ng karangalan sa aking mga magulang.
Kumilos ako sa hanay ng mga makabayang guro at naging aktibong miyembro ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) noong 1989. Simula pa lamang noong nag-aaral ako sa Kolehiyong Normal ng Pilipinas na ngayo’y Pamantasang Normal ng Pilipinas (PNU) na, nasaksihan ko ang mayamang karanasan ng organisasyon sa pakikipaglaban sa karapatan at kapakanan ng mga guro, estudyante, mga kawani at mga magulang. Isa sa makinang na pagbubunyi ng militanteng pagkilos nito ay ang pakikibaka.  Sa pagkakaroon ng mas nakakabuhay na sahod sa hanay hindi lamang ng mga kaguruan, kabilang na rin ang mga kawani ng gobyerno na ngayo’y nakamit natin. Naging National Trustee ako ng Philippine Public School Teachers Association (PPSTA) at sa pandaigdigang lebel, nagkaroon ng representasyon sa pamamagitan ng inyong lingkod bilang unang-unang Pilipina na naging miyembro ng World Executive board sa Education International (EI).
Nais ko ring ibahagi ang naging karanasan ko bilang gurong unyonista—Pangulo ng QCPSTA, ang mayabong na pakikipagtulungan ng QCPSTA kay dating Speaker Sonny Belmonte noong siya ay alkalde ng Lungsod Quezon. Naging matagumpay ang laban ng mga guro ng Quezon City upang kamtin ang P1,200 Rice Allowance kada kwarter, longevity pay mula P50 hanggang P100 kada limang taon sa serbisyo, at Death Aid Contribution System (DACS) na may P130,000 sa bawat benepisyaryo at pagkakaroon ng opisina an gaming organisasyon.
Noong baguhan pa lamang ako sa larangan ng pagtuturo, nagsimula muna akong magingsub-teacher. Napatunayan ko na sa pagtuturo, hindi lang sapat na makapag-aral ka nang mabuti, mahalaga na may puso kang iaalay para maunawaan ang kalagayan ang ating kabataan at mabigyan sila ng sa tingin mo’y sapat na edukasyon. Sa kaso ngayon ng populasyon ng mga mag-aaral sa isang klasrum, pinakamaliit na ang 40 at mahirap man isipin kung paano ito nangyayari, nagagawang mapagkasya ng guro ang higit sa 60 estudyante sa loob ng isang nagsisikang kwarto, walang maayos na bentilasyon, may kakulangan sa libro at iba pang kagamitang panturo. At sa katunayan, ang propesyon naming ito ang nagpapalapit saming mga mag-aaral para makilala namin sila dahil sa ilang oras ng kanilang pamamalagi sa eskwelahan ay kami ang kanilang nakakasama, pagpapatunay ito na guro ang siyang nagsisilbing pangalawang magulang ng mga mag-aaral. Ngunit sa ganitong kalunos-lunos na sitwasyon ng mga guro sa pampublikong sektor, kakarampot na umento lamang sa sahod ang ibinabalik ng mga naunang administrasyon sa ating mga guro, dumaan ang anim na taon (kaakibat ng dalawang termino sa Kongreso) ng kasamahan kong kongresistang si Rep. Tonchi Tinio ngunit pambabarat lamang saming sweldo ang nangyayari. Naaalala ko pa noong Setyembre noong nakaraang taon, dumalo ako sa Kongreso sa pagdinig at diskusyon sa badyet ukol sa edukasyon para sa susunod na taon, hindi pa noon bilang Kongresista ngunit bilang isang guro. Nandito noon ang hanay ng mga unyonista upang ipaglaban ang pagpapataas ng sahod ng mga guro dahil ang buwanang P18,549 sahod ng guro na kakaltasan pa ng GSIS, Tax, Pag-ibig ay hindi talaga nakatutulong para sa disenteng pamumuhay. Hinding-hindi ko noon malilimutan kung paano kami na pinaalis dito sa Kongreso at nai-ban pa na kung tutuusin ang aming mga ipinanawagan na pagpapataas ng sahod ng mga guro ay totoo, makatarungan at rasonable. Ngunit ang naging sagot naman ng administrasyon ni Noynoy Aquino ditto ay ang EO 201 na nagsasamantala sa mga nasa mababa at panggitnang lebel na mga sumasahod kabilang ang mga guro kung saan 11.89% o kakarampot lamang na pagtaas habang ang mga politiko ay lampas-lampas pa sa dati nilang sinusweldo ang nakukuhang sahod ngayon o umaabot sa 280%. Dagdag pa, kung may pagkiling naman sa administrasyon ang mga panawagan ay hahayaan ka na magtaas ng plakard at walang pag-aalinlangang gawin na manawagan dahil wala naming banta na pagpapaalis o ma-harass, gaya ng nangyari dito kahapon sa plenary. Kaya naman humihingi ako ng suporta saking mga kapwa kongresista na maipasa ang panukalang batas bilang 56 na naglalayong magkaroon ng umento sa sahod bilang panimulang sweldo na P16,000 sa mga non-teaching personnel, P25,000 para sa Teacher I, at sa mga Instructor I sa kolehiyo na mula SG 12 ay maging 16.
Bilang nakaranas din ng masahol na kalagayan ng kontraktwalisasyon dito sa bansa kung saan apat na taon kong tiniis na maging kontraktwal na guro na kalimitang nade-delay ang sweldo, mangangailangan pa kaming mangutang para lang makapasok sa trabaho at matustusan ang mga pangangailangan ng aming pamilya. Naalala ko pa noon na ang mga neoliberal na polisiya ng administrasyong Cory Aquino na nagluwal sa laganap na kontraktwalisasyon sa bansa na lumaon naman magpahanggang ngayon. Kaya naman suportado natin ang Pang. Duterte sa kanyang panawagan at simula pa noon ay buo na ang ating paninindigan laban sa kontraktwalisasyon. Bahagi rin ng representasyon ko ay mabasura ang mga polisiyang nagpapahirap sa mga guro gaya ng K to 12, daily lesson logs (DLLs), malalaking class size, at mga gawaing walang kaugnayan sa gawaing guro (clerical work) tulad ng Learning Information System (LIS), pagmo-monitor ng weight at height ng mga bata, 4Ps, deworming at marami pang iba.
Bago ako maging nominado ng ACT Teachers, nagturo ako sa pampublikong paaralan sa loob ng 25 taon at naranasan ko na ang mga pinakamasasahol na kalagayang maaari nating maisip sa isang pampublikong paaralan. Kaya ngayon, isang natatanging representasyon ito ng inyong lingkod bilang kauna-unahang pampublikong guro na kakatawan sa Kongreso dahil ang mga guro ang mayoryang bumubuo sa mga empleyado ng pamahalaan. At dahil nauunawaan ng ACT Teachers ang mga batayang isyu ng mga guro at sektor ng edukasyon, isang pagpapatunay na ang mahigit 1.18M botong nakuha natin ay marapat lamang na ibalik sa kanila. Iniwan ko man ang mataas na posisyon mayroon ako sa loob ng klasrum bilang isang Master Teacher II, isinantabi ko ito upang katawanin ang mga pampublikong guro sa unyon ng QCPSTA at ACT-NCR at ngayon dito na sa Kongreso. Marami nang politiko ang nangako para sa pagpapataas ng sahod ng mga guro, at bilang pasasalamat sa kanilang natatanging propesyon, itaon natin ang panahong ito dahil sa susunod na buwan ay buwan na nila, ito na ang panahon upang kamtin naman nila ang nakabubuhay at disenteng sahod.
Maraming salamat po!
Sahod itaas, income tax ibaba!

Viewing all articles
Browse latest Browse all 1683

Trending Articles